Posts filed under ‘SAPOL ni Jarius Bondoc’

Kahulugan daw ito ng buhay

SAPOL Ni Jarius Bondoc(Pilipino Star Ngayon) Updated May 28, 2010

UNANG araw ng Paglikha, binuo ng Diyos ang aso at sinabihan, “Umupo ka buong araw sa tabi ng pinto ng bahay mo, at tahulan lahat ng pumasok o dumaan. Para diyan, bibigyan kita ng buhay na may haba na 20 taon.” Sagot ng aso, “Mahabang panahon ‘yan ng pagtahol. Bigyan Niyo na lang ako ng 10 taon, isosoli ko ang labis na 10 taon.” Pumayag ang Diyos.

Ikalawang araw hinubog ng Diyos ang matsing at inatasan, “Mag-lambitin ka at patawanin ang mga tao. Para diyan bibigyan kita ng 20 taon na buhay.” Sagot ng mat-sing: “20 taon? Mahaba yata ‘yun para magpasaya lang sa iba. 10 taon lang okey na, isosoli ko ang sobrang 10.” Muli pumayag ang Diyos.

Ikatlong araw ginawa ng Diyos ang baka, at inutusan, “Kailangan tulungan mo ang magsasaka sa bukid, tiisin ang init buong araw, mag-anak ng guya, at magbigay ng gatas sa pamilya niya. Bibigyan kita ng buhay na 60 taon.” Nakiusap ang baka: “Napakahaba namang buhay ‘yan ng paghihirap. Sana 20 taon na lang, at isosoli ko ang 40.” Okay sa Diyos.

Ikaapat na araw nilikha ng Diyos ang tao. Tuwang-tuwa Siya sa Sarili, kaya pinayuhan ang tao, “Kumain, matulog, maglaro, mag-asawa, magpakasarap sa buhay. Bibigyan kita ng 20 taong buhay.” Umangal ang tao: “20 taon lang? Puwede ba ganito na lang, akin na ang 20 taon ko, tsaka ang isinoli ng baka na 40 taon, at ang isinoli ng matsing at aso na tig-10 taon, kaya 80 taon lahat?” Dahil giliw na giliw ang Diyos sa tao, sinagot Niya, “Kung ‘yun ang nais, ‘yun ang makakamit.”

At ‘yan ang dahilan kung bakit, sa unang 20 taon ng ating buhay, puro tayo kain, tulog, laro, at pagpapasarap lang. Tapos, sa susunod na 40 taon, mala-alipin tayo sa ilalim ng araw nagpapakain ng pamilya. Sunod, 10 taon tayo nag-aala-matsing para patawanin ang mga apo. At sa huling 10 taon nakaupo lang tayo sa veranda at tinatahulan ang mga dumadaan.

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

Advertisements

May 28, 2010 at 1:33 am Leave a comment

Hati-hating gobyerno hinaharap ni Noynoy

SAPOL Ni Jarius Bondoc(Pilipino Star Ngayon) Updated May 25, 2010

MALAKI nga ang ipinanalong boto ni Noynoy Aquino bilang Presidente. Pero isipin ang implikasyon nito. Paano kung ang Liberal na Presidente ay magkaroon ng Bise mula sa Puwersa ng Masang Pilipino, Senate President na Nacionalista, at kaaway na Gloria Maca­pagal Arroyo bilang Speaker? Tiyak, hati-hati at iba’t ibang direksiyon ang gobyerno. Mas malalang problema ‘yan kaysa di-pagkilala ni Noynoy kay Renato Corona bilang Chief Justice. Mailalatag kaya ni Noynoy ang programang “walang mahirap kung walang corrupt”, gayong hindi niya kakampi ang apat na kasunod na mata­taas na opisyales ng bansa?

Ang sagot: depende ngayon lahat kay Noynoy. Sa Bise, walang problema kung si Mar Roxas ang lumitaw. Kapartido at kaibigan niya ito, bagamat nasaktan ang huli sa pagkampanya ng Kamag-anak Inc. ni Noynoy para sa tambalang Noynoy-Binay. Kung si Jejomar Binay ang lumabas na Bise, dapat makuha ni Noynoy ang suporta nito para sa mga binabalak na reporma. Ani Binay ay dati na siyang maka-Cory Aquino; maaari nga, pero iba ang loyalty sa nanay ni Noynoy, at iba ang loyalty kay Noynoy mismo.

Sa Senado nabibilang ng Nacionalista Party na maka­kakuha sila ng 15 boto para muli iluklok si Manny Villar bilang Senate President. Kung sakali, kailangan makuha rin ni Noynoy ang koope­rasyon ng dating kalaban sa pagka-Presi­dente, para sa mga panukalang batas niya. Mabuti na lang at hindi ugali ni Villar maging pala­away. Kapag nagkagi­pitan, tulad ng pag-impeach kay Joseph Estrada nu’ng 2000, inuuna ni Villar ang kapa­kanan ng madla kaysa sarili.

Ang mahirap ay kung ma­agaw ni Arroyo o sinu­mang ka­partido sa Lakas-Kampi ang Speakership. Sakit-ulo ito para kay Noynoy dahil tuwing merong hindi magustuhan ang kalabang partido — halimbawa ang pag­tugis sa nakaw na yaman ng mga Arroyo — ay pagbaban­taan siya nito ng impeachment. Kaya ma­inam na si Liberal Sonny Bel­monte ang Speaker.

May 25, 2010 at 1:26 am Leave a comment

Midnight contract sa Clark airport

SAPOL Ni Jarius Bondoc(Pilipino Star Ngayon) Updated May 18, 2010

NU’NG Marso ko lang binisto ang isyu. Inaapura ni Clark International Airport Corp. chairman Nestor Mangio na ibalato umano ang 25-taong operation ng Diosdado Macapagal International Airport sa Al-Kharafy Group ng Kuwait. Ipinatigil ni President Arroyo ang midnight deal sa CIAC board of directors.

Akala mo ba natapos na ang isyu du’n? Hindi. Ilang araw lang mula nang ipahinto ng board lahat ng paki­ kipag-negosasyon sa Kuwaiti company, dalawang directors naman ang lumipad sa Malaysia para pag-usapan ang unsolicited proposal ng Bristeel Corp. para i-develop ang DMIA Terminal-2. Minamanok nila itong ibang dayuhan laban sa Kuwaiti.

Meron isa pang unsolicited proposal na nakabinbin sa Joint Venture Selection Committee. Ibang CIAC directors naman ang nagmamanok sa Korean conglomerate para iendorso ng JVSC.

Pareho ang pakay ng Malaysians at Koreans. Kapwa nila ginagamit ang kunwari’y pag-expand ng Terminal-2, pero para lang mapasakamay ang 200-ektaryang lupa sa gilid. Prime land ito, pero pinalalabas sa unsolicited proposals na raw land upang makuha ng libre o kaya’y sobrang mura. Taos, kung ano-anong malaking pagki­kitaan ang itatayo nila sa nakurakot na lupa.

Pareho rin ang taktika ng Malaysians at Koreans. Ipina-aapura nila sa kani-kanilang backers na CIAC directors na ma-evaluate at ma-endorso ang un­solicited proposal. Kapwa nais madeklarang “original proponent” bago pa man bumaba sa puwesto ang CIAC directors na co-terminus ni President Arroyo. Sa gayong paraan, mapi­pilitan ang mga papalit na board appointees ng ba­gong Presidente na kila­lanin ang “original proponent” status. Wala na silang magagawa kundi humanap na lang ng Swiss Challengers at i-award ang kontrata. Hindi na nila mare­repaso ang terms and conditions, at kung makakabuti sa bansa ang proyekto. Kumbaga, ipipilit sa kanila ang lutong makaw.

May 18, 2010 at 1:23 am Leave a comment

4 na ibang gamit ng cell phone

SAPOL Ni Jarius Bondoc(Pilipino Star Ngayon) Updated May 14, 2010

DAPAT ilakip sa kotse, bag o pitaka ang mga impormasyon na ito — mga gamit ng mobile phone sa emergency:

(1) Naka-program sa lahat ng cell phone ang “112” pang emergency. Miski wala sa sariling coverage area maari i-dial ang “112” para maghanap ng network, at magagawa ito miski naka-lock ang keypad.

(2) Naikandado mo ang susi sa loob ng kotse, nakakabit sa keyless entry. Imbis na umuwi pa, itawag sa kasambahay na kunin ang spare key at pindutin ito sa tinawagang linya. Itapat sa susian ang cell phone. Mata-transmit ang sound signal na magbubukas sa kotse.

(3) Low-battery ka na pero may importanteng tatawagan. I-dial ang “*3370#” para ma-activate ang reserve power; papalo nang kalahati. Maibabalik ang reserve power sa susunod na pag-charge.

(4) Pangontra sa magnanakaw: pindutin ang “*#06#” para makopya ang 15-digit serial number ng cell phone. Kapag manakaw ito, itawag ang serial number sa service provider para ma-deactivate ang telepono. Miski palitan ang SIM, patay na ang unit; hindi magagamit o maibebenta. Kung lahat tayo ay gagawin ito, mawawalan na ng saysay ang pagnanakaw ng cell phones.

* * *

Bagong modus operandi ng con artists, gamit ang cell phone:

Tatawagan ka, kunwari taga-service provider, ipa-o-off ang cell mo nang dalawang oras para umano makatanggap ng bagong 3-G update.

Samantala, tatawagan nila ang asawa, anak o magulang mo para sabihing nasa kamay ka nila at kailangan magbayad ng ransom sa loob nang dalawang oras para sa iyong kalayaan.

Kapag nag-on ka ng phone nang wala pang dalawang oras, pipilitin ka mag-off nang isa pang oras. Kung hindi ka sumunod, tatawagan ka nang walang patid hanggang ma-dead battery ka.

Kaya, huwag maniwala sa utos ng estranghero.

May 14, 2010 at 1:34 am Leave a comment

Magulong pagpili ng Chief Justice

SAPOL Ni Jarius Bondoc(Pilipino Star Ngayon) Updated May 11, 2010

ITO NA marahil ang pinaka-madugong pagpili ng bagong Chief Justice. Maraming gusot ang naganap. Nabasag ang imahe ng Korte Suprema bilang balwarte ng demokrasya laban sa pang-aabuso. Nabisto rin ang kahinaan ng Hudikatura kapag iniimpluwensiya ng Ehekutibo.

Nagsimula ang gulo nu’ng Disyembre. Sinabihan ang Judicial and Bar Council ni Rep. Mat Defensor, bilang hepe ng House committee on justice, na magsumite na sila ng shortlist ng nominees na hahalili pagretiro ni CJ Reynato Puno sa Mayo 17. Nagprotesta agad ang mga umakda ng 1987 Constitution at ilang batikang abogado. Wala raw awtoridad si Arroyo humirang ng bagong CJ sa Mayo 17. Sakop ito ng constitutional ban sa midnight appointments, na nagsisimula dalawang buwan bago mag-presidential elections hanggang matapos ang termino sa Hunyo 30.

Nagkuli ang JBC; imbis na tularan si naunang CJ Andres Narvasa na lumaban sa midnight appointees ng Presidente sa Hudikatura, nagtahimik lang si Puno bilang hepe ng JBC. Nagsampa ng demanda sa Korte Suprema ang tatlong kakampi ni Arroyo. Dalawang buwan bago pa man magretiro ni Puno, nu’ng Marso 17, binaliktad ng siyam na justices ang dating unanimous decision ng Korte laban sa midnight appointees. Kesyo raw hindi sakop ng constitutional ban ang Korte. Sinabi pa ni ponente Justice Lucas Bersamin na miski walang shortlist mula sa JBC ay maari humirang ang Presidente ng CJ mula sa hanay ng justices.

Tinanggap ni Puno ang sampal ni Bersamin. Pina-interview sa JBC ang apat na aplikante: Justices Renato Corona, Teresita Leonardo de Castro, Arturo Brion, at Edilberto Sandoval. Tumangging mag­pa-nominate nina Justice Antonio Carpio at Conchita Carpio Morales, na kap­­­­wa kontra sa midnight appointments. Nagbabala si leading presidential candidate Noynoy Aquino na hindi ki­kilalanin ang appointee ni    Arroyo. Umastang independiyente si Sen. Chiz Escudero. Pero sa huli, ni-nominate ng buong JBC —kasama si Escudero — ang apat. Natinag sila ng Ehekutibo.

May 11, 2010 at 1:25 am Leave a comment

Huwag sana sumablay transmission ng resulta

SAPOL Ni Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) Updated May 10, 2010

MALINAW ang detalye sa automation law. Dapat kumuha ang Comelec ng sertipikasyon mula sa isang international testing agency na gumagana nga ang automated election system na napili nito. At dapat mapasakamay ito ng Comelec tatlong buwan bago Election Day, o Feb. 10, 2010.

Nang kontratahin ang Smartmatic nu’ng Agosto 2009 para mag-automate, pinili ng Comelec ang SysTest Laboratories ng America bilang taga-certify. At nu’ng Feb. 10 inanunsiyo ng Comelec na tapos na ang pag-test ng Sys Test sa sistema ng Smartmatic. Pero kataka-taka na walang maipakitang report o sertipikasyon ang Comelec. Puro salita lang, ika nga.

Makalawang Biyernes binigyan ng Comelec si Joey de Venecia, ang kaisa-isang info-tech expert na kumakandidatong senador, ng kopya ng SysTest report. Ang petsa ng Certification Test Result Summary ay March 8—halos isang buwan nang lumipas ang deadline ng Comelec sa batas.

Mas nakakakaba ang laman ng report. Umano’y mahigit 4,000 maliliit na problema ay nalutas na ng Smartmatic. Pero mahigit 1,000 pang malalaking butas ay hindi napupunuan.

Dalawang babala ng SysTest ang nagbabadya ng sakuna. Una, huwag gamitin ang Ballot Production Tool dahil hindi ito isinailalim ng Smartmatic sa masusing pagsusuri ng SysTest. Tanong: Ito kayang di-subok na Ballot Production Tool ang dahilan sa pagsablay ng compact flash cards ng Smartmatic voting machines sa field tests nu’ng May 3?

Ikalawa, anang SysTest, hindi rin naipasuri ng Smartmatic ang modem firmware na gagamitin sa transmission ng resulta mula presinto patungong canvassing centers. Tanong: Ibig sabihin kaya nito ay maaring sumablay ang pag-transmit ng voting machines ng tallies sa pamamagitan ng cell phone SIM? Ito kaya ang ikinatatakot na automated dagdag-bawas?

Sana smooth lahat ng botohan at bilangan para walang sigalot.

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

May 10, 2010 at 12:23 am Leave a comment

Posible: Automated dagdag-bawas

Posible: Automated dagdag-bawas
SAPOL Ni Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) Updated May 04, 2010

KARANIWAN sa manual election, hindi sa presinto ang dayaan kundi sa canvassing. Mahirap mandaya sa presinto; nar’un lahat ng party watchers at botante nagba­bantay ng botohan at bilangan. Madali sa canvassing; kokonti ang nagbabantay pero maraming pera ang umiikot para bultong ilipat ang boto mula sa isang kandidato tungo sa nanuhol sa sindikato.

Posible ba ang dagdag-bawas sa automated election? Puwedeng-puwede, dahil sa kapabayaan o katiwalian ng Comelec. Para malaman kung paano mag-o-automated dagdag-bawas, repasuhin natin ang pro­seso sa Araw ng Halalan:

Naka-imprenta na sa balota ang pangalan ng kandidato, kukulayan lang ng botante. Isusubo niya ang balota sa Precinct Count Optical Scanner. Papasok ang balota sa kahong opaque; hindi kita ang laman. Pagtapos ng botohan, bibilangin ng PCOS ang mga boto at mag-iimprenta ng Election Returns. Ita-transmit ng PCOS ang resulta sa city o municipal canvassing, na mag-iimprenta ng Statement of Votes. Ipapadala ang SOV sa provincial Board of Canvassers na mag-iimprenta ng Certificate of Canvass. Ipapadala ang COCs sa National Board of Canvassers.

Maari singitan ang PCOS ng pandaya na computer program. Hindi ito mapapansin ng karaniwang botante, dahil maraming butas ang proseso. Una, hindi nagkaroon ng review ng source code, ang computer program na nagpapatakbo sa PCOS, dahil sa sobrang higpit ng Comelec. Tinanggal ng automation supplier Smartmatic ang vote verification feature ng PCOS, na magpapakita sana sa screen kung tama ang pagbasa ng makina sa mga ibinoto ng botante. Wa­lang makakakita sa pagbi­lang ng PCOS ng boto sa chips nito, isang paglabag sa prinsipyo ng “secret voting, pub­lic counting.” Maaring may laman nang resulta ang flash cards na gagamitin sa SOVs at COCs. At alam ng Smar­ ma­tic ang passwords ng mga Board of Election Inspectors.

Gumasta pa ang bansa ng P10 bilyon, pareho lang pala ng dati.

May 4, 2010 at 3:23 am Leave a comment

Older Posts


Categories

June 2018
M T W T F S S
« Sep    
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
252627282930  

Blog Stats

  • 25,186 hits since April 1, 2009

Archives